Sunday, May 22, 2011

Alimango Festival



Ang Alimango Festival ay isang pagdiriwang na ginaganap tuwing ika-15 hanggang ika-22 ng Marso sa Lala, Lanao del Norte.

PAGDIRIWANG

Karaniwan na sa mga pagdiriwang ang pagkakaroon ng sayawan at isa ang Alimango Festival sa mga ito. Dahil na rin sa ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mamamayan dito ay ang panghuhuli at pagtitinda ng mga alimasag, ang mga kasali sa pagsasayaw sa kalye ay nakasuot ng mga makukulay na kasuotan na kawangis ng mga alimasag. Ang pangunahing tampok naman sa nasabing pagdiriwang ay ang malalaking alimango na maaaring mahuli sa lugar. Nagkakaroon ng paligsahan at salu-salung pagkain ng mga alimasag, na maaaring daluhan ng mga naninirahan sa Lala. Mayroon ding timpalak sa pagluluto ng pinakamasarap na putaheng may lahok na alimasag. Bahagi na rin ng pista ang pagpapamalas ng iba't ibang uri ng alimasag na maaaring mahuli sa lugar. Tuwing panahon ng pagdiriwang ay ibinebenta ang mga nasabing produkto sa murang halaga upang makakain din ang mga bisita at turista ng mga ito.

Moriones Festival



Ang Pista ng Moriones ay isa sa makukulay na pagdiriwang sa pulo ng Marinduque. Ang Morion ay nangangahulugan “maskara”, na parte ng armor ng Romano na ipinapantakip sa mukha noong panahong Medyibal. Ang Moriones ay ang mga taong nakasuot ng maskara at nakagayak, na nagmamartsa paikot sa bayan, sa loob ng pitong araw sa paghahanap kay Longhino. Ang isang linggong pagdiriwang na ito ay nagsisimula sa Araw ng Lunes Santo at nagtatapos sa Pasko ng Pagkabuhay.

KAUGALIAN

Umpisa pa lamang ng Lunes Santo, ang mga mamamayang nagtitika ay nagsusuot ng mga damit na mistulang sundalo sa sinaunang Roma o senturyon. Ang kanilang matitingkad na costume gayun din ang makukulay na mga maskara ay nakakapagbigay ng paniniwala na sila ay matatapang at malulupit na mga sundalo. Sa kanilang paglibot, sila ay gumagawa ng mga practical jokes sa mga lokal o di kaya ay tinatakot ang mga bata. Ang iba naman ay nagiiba ng boses na mistulang tinig ng ibon. Kasama sa pagpepenitensya nila ay ang pagitiis na maglakad at maglibot sa buong bayan sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Ang kagawiang ito ay ang pagsasadula sa paghahanap ng mga senturyon kay Longinus.

KASAYSAYAN

Ayon sa alamat, si Longinus, isa sa mga sundalong bulag ang isang mata at nakasaksi sa pagpapako ni Hesukristo ay ibinaon ang kaniyang espada sa tagiliran ni Hesukristo upang matiyak na siya ay tunay na patay na. Tumilamsik ang dugo sa matang hindi nakakakita ni Longinus at himalang ito ay biglang gumaling at nakakita. Dahil dito, siya ay nagbalik-loob at naging isang Kristiyano.

Hinabol ng mga sundalo si Longinus sa buong kabayanan hanggang siya ay nahuli at hinarap sa isang aktor na tumayo bilang si Ponsyo Pilato. Ang iba ay tumayo bilang mga Pariseo upang husgahan siya at noong Pasko ng Pagkabuhay, si Longinus ay hinatulan sa kaniyang pagbabago ng relihiyon sa pamamagitan ng pagpugot.


Bangkero Festival



Ang Bangkero Festival ay isa sa mga pinakasikat na pagdiriwang sa Pilipinas. Ito ay ipinagdiriwang ng mga taga-Pagsanjan, Laguna tuwing ika-5 hanggang ika-9 Enero ng taon at ito ay dinarayo ng mga turista. Inilunsad ito noong 1991 upang ipakita ang kagitingan ng mga bangkero.
Ang pagdiriwang ay handog rin ng mga lokal na mamamayan ng Pagsanjan sa kanilang patron, ang Mahal na Ina ng Guadalupe.

PAGDIRIWANG

Ang Bangkero Festival ay isang masayang okasyon bilang parangal sa mga bangkero na nagsumikap upang makilala at matanyag ang kahanga-hangang tanawing ito sa Pagsanjan. Sa kabila ng malakas na agos ng ilog dito, dinadala ng mga bangkero ang mga turista sa mismong kagila-gilalas na talon ng Pagsanjan (Pagsanjan Falls). Ang kapistahang ito ay kinatatampukan ng mga nabihisan at nagayakang mga bangka at karosa na ipinaparada sa liwasang bayan. Karagdagan pa, mayroon ding parada ng mga sayaw na sinasalihan ng mga mag-aaral mula sa iba't- ibang paaralan na may kanya-kanyang naggagandahang mga gayak at tugtugin1 Ilan sa mga tampok sa pagdiriwang na ito ay ang mga sumusunod:

·         Paligsahan ng regatta o karera ng mga bangka.
·         Pagandahan ng gayak sa daungan (gatungan) ng bangka. (Best Decorated Gatungan at pinakamalinis na pampang)
·         Pagpili sa pinakamahusay na bangkero (G. Bangkero)
·         Parada ng mga nanalo sa paligsahan at ang pagpili ng lakan at hiyas ng Pagsanjan bilang pagwawakas ng kapistahang ito.

Panagbenga Festival



Ang Pista ng Panagbenga o ang Baguio Flower Festival ay ang taunang kapistahan sa Lungsod Baguio na idinaraos sa buong buwan ng Pebrero. Ipinagmamalaki dito ang kasaganahan ng mga bulaklak sa Baguio gayun din ang mayamang kultura nila kung kaya't ito ay dinarayo taon-taon ng mga turista.

Ang salitang panagbenga ay may kahulugang, "panahon ng pagyabong, panahon ng pamumulaklak". Tatak nito ang magarbong kaayusan ng bulaklak, sayawan sa kalye, flower exhibit, paglilibot sa hardin, paligsahan ng pagayos ng bulaklak, maningning na pagsabog ng mga paputok, at iba pa.

KASAYSAYAN

Noong taong 1995, ang abugadong si Damaso Bangaoet, Jr., ang dating Direktor ng John Hay Management Corporation (JHMC) ay bumuo ng ideya na magtatag ng isang kapistahan upang ipagmalaki ang masaganang bulaklak na matatagpuan sa Baguio. Sumang-ayon naman si Victor A. Lim, Tagapamahala ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) at si Rogelio L. Singson. Itinatag ang proyektong ito upang tulungan ang lungsod na maka-ahon muli sa pagkakalugmok noong 1990 Luzon earthquake.

Sa pagutulungan ng iba't-ibang organisasyon tulad ng John Hay Poro Point Development Corporation (JPDC), dating JHMC at mga boluntaryo na mahilig sa bulaklak, nabuo ang Baguio Flower Festival (BFF). Bahagi ng kapistahang ito ang pagbubunyi ng kasaysayan at kultura ng Lungsod Baguio at ng Cordillera. Ang logo na puro sunflowers ay masterpiece ng isang estudyante mula sa Baguio City National High School na nagngangalang Trisha Tibagin na sumali sa Annual Camp John Hay Art Contest. Si Macario Fronda naman na nagmula sa Saint Louis University ang nagsulat ng opisyal na himno na kasabay ang tradisyonal na sayaw ng Ibaloi, ang Bendian dance.

Noong taong 1996, hinango ng flower festival ang Kankanaey na kung tawagin ay Panagbenga. Ito ay may kahulugang panahon ng pagyabong, panahon ng pamumulaklak na nilikha ni Ike Picpican, isang arkibista at kurado. Ipinagdiwang ang unang linggo ng flower festival noong Pebrero 9-18, 1996 sa komendasyon ng Resolution 007-1996. Mula noon, ang kaspitahang ito ay naging pangunahing atraksyon ng Lungsod Baguio na dinadayo ng libo-libong mga lokal at dayuhang turista upang matunghayan ang magarbong mga floral floats at street-dancing parade.

Noong 2001, ang dating isang linggong selebrasyon ay naging isang buong buwan na pista sa komendasyon ng Resolution 033-2001. Noong Hulyo 2002, nabuo ang Baguio Flower Festival Foundation, Inc. (BFFFI). Noong umupo si Braulio Yaranon bilang alkalde ng lungsod, itinatag niya ang Baguio Flower Festival Association (BFFA), at mula noon ang dalawang organisasyon na ito ang punong namamahala na ng kapistahan.

AKTIBIDAD

Ang Pisa ng Pangbemga ay kadalasang naguumpisa sa tradisyonal na sayaw ng mga taga Cordillera na kung tawagin ay, Cañao. Ilan sa mga aktibidad na dinadayo ng mga libo-libong turista ay ang Bulaklak Rock Battle of the Bands, arts show, kumpetisyong ng skateboardin, pagpapalipad ng saranggola, search para sa Mr. and Ms. Baguio Flower Festival, parada ng banda, street-dancing at ang pamosong karosa ng mga bulaklak.

Sibug-sibug Festival



Ang Pista ng Sibug-Sibug ay isang pagdiriwang na ginaganap sa lalawigan ng Sibugay tuwing ika-26 ng Pebrero. Ginagawa ito bilang bahagi ng pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan. Pangunahing atraksyon ng nasabing selebrasyon ang pagsasayaw sa kalsada na may temang etniko, kabilang na dito ang mga ritwal na nagpapakita ng magandang ani, kasal at mga nakapagpapagaling na ritwal.

PAGDIRIWANG

Bahagi ng pagdiriwang ang pagpapakilala sa pangunahing produkto ng lalawigan, ang talaba. Kilala ang Sibugay bilang pinagkukunan pinakamalalaking talaba na maaaring makuha sa bansa. Sa loob ng dalawang linggong selebrasyong ito, ginaganap sa bayan ng Ipil ang pinaka-aabangang bahagi ng pagdiriwang, ang Talaba Longest Grill. Dahil dito, naisusulong ng mga taga-Sibugay ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan. Dahil na rin sa pagdiriwang, itinanghal ang Zamboanga Sibugay na mayroong World's Longest Talaba Grill at kinilala ang lalawigan bilang Talaba Capital ng Pilipinas.
Kabilang din sa pagdiriwang ang ilang lokal na atraksyon at tradisyon na makikita sa isang Western Subanen cultural show. Magpapamalas ang mga Subanen ng mga ritwal para sa pakikipagdigma, kasal at panganganak. Ang mga Subanen ay ang mga taong unang nanirahan sa Zamboanga.


Kalilangan Festival



Ang Kalilangan Festival ay isa sa mga pagdiriwang sa Pilipinas na dinadayo ng maraming turista taun-taon. Ito ay ipinagdiriwang ng mga taga-General Santos sa Timog Cotabato tuwing huling linggo ng Pebrero ng taon. Ipinapakita dito ang mayamang kultura ng nasabing lungsod.

SALITANG KALILANGAN

Ang Kalilangan ay nagmula sa salitang kalilang na mula sa dialekto ng mga taga-Maguindanao. Ito ay nangangahulugang “pagdiriwang,” “kapistahan” o “kasiyahan.”

PAGDIRIWANG

Makulay at masaya ang pagdiriwang ng Kalilangan Festival kung saan tampok ang ibat-ibang presentasyon ng mga sayaw at awit. Ilan sa mga espesyal na aspesto ng pagdiriwang ay ang paggamit ng pare-pareho at makukulay na kasuotang kahawig ng tinalak ng mga T'boli.

Babaylan Festival


Ang Babaylan Festival ay isa sa mga tampok na pagdiriwang sa Pilipinas. Ito ay ipinagdiriwang ng mga taga-Negros Occidental tuwing ika-19 ng Pebrero ng taon.

KASAYSAYAN

Mula sa kasaysayan ng Negros, itinuturing ang mga Babaylan bilang isa sa mga pinakamakasaysayang pigura sa Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila. Ang mga babaylan ay kinabibilangan ng iba't-ibang tao sa lipunan gaya ng doktor, albularyo, pintor, tagapayo, magsasaka at iba pa na nagtatampok sa isang mataas na responsibilidad at ito ay pinaniniwalaang tagapag-ingat ng mga ritwal at espiritu sa mundo. Mula dito ay ibinatay ang pagdiriwang ng Babaylan Festival.

PAGDIRIWANG

Ang pangkalahatang layunin ng pagdiriwang ay upang matuklasang muli ang mga katutubong musika sa rehiyon, literatura, sayaw at ritwal.