Sunday, May 22, 2011

Pasayaw Festival


Ang Pasayaw Festival ay isang pagdiriwang na ginaganap tuwing ika-18 hanggang ika-19 ng Marso sa lungsod ng Canlaon, Negros Oriental.

PAGDIRIWANG

Ang “Pasayaw” ay nanggaling sa pinagsamang salitang “Pasalamat Pinaagi sa Sayaw” o pasasalamat sa pamamagitan ng sayaw. Ang Pasayaw ay isinasagawa upang ipamalas ang kanilang galak at pasasalamat kay San Jose. Malaki ang impluwensya ng MassKara Festival ng Bacolod sa pagdiriwang sa aspeto ng tugtugin. Bahagi ng pagdiriwang ang pagsasayaw at pagparada sa lungsod. Dinadaluhan ang pagdiriwang na ito ng labingdalawang mga kinatawan mula sa labingdalawang barangay sa Canlaon. Sumasayaw ang mga ito sa kalye ng may makukulay na kasuotan, sa saliw ng masayang tugtugin. Pagkatapos libutin ang poblasyon ng lungsod ay didiretso ang mga ito sa plaza upang idaos ang isang “showdown”. Maliban sa pagsasayaw, na siyang pangunahing atraksyon ng pagdiriwang, nagkakaroon rin ng pagpapamalas at paghahandog ng mga aning pananim na nagsisilbing pagpapasalamat. Dahil dito ay nakilala ang Canlaon bilang Vegetable Bowl ng Negros Oriental.

Suman Festival



Ang Suman Festival ay isang pagdiriwang na ginaganap tuwing ika-14 hanggang ika-19 ng Pebrero, sa bayan ng Baler sa Aurora. Itinuturing itong pinakamalaking kasiyahan sa lalawigan, kung saan ipinaparada ang iba't ibang mga karosa na nilagyan ng palamuti na naaayon sa pagdiriwang.
  
PAGDIRIWANG

Ang isang linggong pagdiriwang na ito ay kinatatampukan ng pagpapamalas ng mga produkto ng lugar, nangunguna na rito ang suman. Isa rin sa pinaka-aabangang bahagi ng pagdiriwang ay ang koronasyon sa tatanghaling Bb. Aurora.

SUMAN

Ang suman ang ritwal na handog ng Hagisan. Niluluto ito ng mga Tayabense dahil nakikita nila ang Hagisan o ang Suman Festival bilang isang oportunidad upang maibahagi ang tinatamasang kasaganahan. Ilang bungkos ng suman ang itinatali sa pabitin na gawa sa isang espesyal na uri ng kawayan na tinatawag na bagakay.

Tinagba Festival




Ang Tinagba Festival ay isang taunang pagdiriwang sa lungsod ng Iriga sa Bicol, na ginaganap tuwing ika-5 hanggang ika-11 ng Pebrero.

PAGDIRIWANG

Ang Tinagba ay isang pagdiriwang sa Bicol tungkol sa pag-aalay ng unang ani na kinatatampukan ng mahabang hanay ng mga karosang de-motor o hinihila ng mga kalabaw. Bahagi rin ng pagdiriwang ang mardi gras at ang mga tradisyunal na kasuotan ng mga kalahok sa sayaw at pagpaparada sa lungsod. Ang pangunahing atraksyon ng nasabing pagdiriwang ay ang kumpetisyon sa street parade o pagsasayaw sa kalsada, na isinasabay sa kapistahan ng Ina ng Lourdes. Ang pinakahuling pagdiriwang ay nagsisilbing daan sa pagsulong ng lungsod bilang isang Science and Technology Park. Ilan sa mga gawain na inilunsad noong pagdiriwang ay ang acrobatics, animalandia, paligsahan sa kaalaman, pagpapalabas ng pelikula, pagpapamalas ng galing sa pagsasayaw ng techno, wall climbing at science exhibit. Ilan din sa mga pangunahing programa ng selebrasyon ay ang taunang paligsahan sa pagiging Miss Iraga, Miss Rinconada at Miss Tourism, gayon din ang pagdiriwang ng Charter Foundation Anniversary.

TURISMO

Isa sa mga layunin ng pagdiriwang ay ang isulong ang turismo sa lungsod ng Iriga. Isa ang Iriga sa progresibong lungsod sa rehiyon ng Bicol kung saan matatagpuan ang iba't ibang magagandang tanawin, ligtas na komunidad at mainit na pagtanggap ng mga mababait at malikhaing mga mamamayan. Kilala rin ang lungsod bilang City of Crystal Clear Springs dahil sa mahigit tatlumpung natural na bukal ng tubig na matatagpuan dito. Kilala rin ang lugar dahil sa Mt. Iriga na nagpapamalas ng magandang tanawin ng basin area ng ilog ng Bicol.

Guling-guling Festival



Ang Guling-Guling Festival ay isa sa mga tampok na pagdiriwang sa Pilipinas. Ito ay ipinagdiriwang sa Paoay, Ilocos Norte tuwing Martes, ang araw bago sumapit ang Miyerkoles ng Abo.

SALITANG GULING

Ang guling ay salitang Ilokano na ang ibig sabihin ay “markahan” o “pahiran.” Ito ay sumisimbolo sa masaganang pagdiriwang ng mga Ilokano bago sumapit ang Mahal na Araw.

KASAYSAYAN

Ang pagdiriwang ng Guling-Guling Festival ay nagsimula noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Noong ika-16 na siglo, ito ay ipinakilala ng mga prayle sa mga Pilipino.
PAGDIRIWANG

Bago sumapit ang panahon ng Mahal na Araw, makulay at masayang pagdiriwang ang inihahanda ng mga Ilokano. Ilan sa mga tampok sa pagdiriwang na ito ay ang mga makukulay na sayaw ng mga lokal na mamamayan ng Paoay, kung saan ipinaparada ang tradisyunal at pambansang kasuotan ng mga babae na tinatawag na terna. Inihahanda rito ang mga iba't-ibang putaheng Ilokano. Ang kapistahang ito ay nagtatapos sa pamamagitan ng isang fireworks display.

Sa isang banda, tradisyon din sa pagdiriwang ang pagpapahid ng basa at puting galapong sa noo ng mga tao sa pamumuno ng alkalde ng Paoay. Ang kulay puti ay sumisimbolo sa kalinisan at pinaniniwalaang nag-aalis ng mga nagawang kasalanan.

Salakayan Festival



Ang Salakayan Festival ay ipinagdiriwang tuwing unang linggo ng Pebrero sa bayan ng Miag-ao sa lalawigan ng Iloilo. Isa itong selebrasyon ng kasaysayan na nagbibigay ng oportunidad para sa mga Miagawanon at mga dumarayong bisita na makapagsaya at magkasama sa isang makulay na kapistahan.

PAGDIRIWANG

Bagaman ang inspirasyon sa selebrasyon ay nagmula sa ibang mga kapistahan sa rehiyon tulad ng Ati-atihan ng Kalibo at Dinagyang ng Iloilo, mayroong sariling tema at mga aktibidad ang Salakayan. Kabilang dito ang isang linggong walang humpay na kasiyahan na kinatatampukan ng food fair, agro-industrial at trade fair, fluvial parade at mga kumpetisyon sa palakasan, pagpapamalas ng mga litrato at antigo, mga paligsahan sa literatura at musika, paligsahan ng mga higante, fashion shows, presentasyon ng salakayan, at ang koronasyon sa Reyna ng Miag-ao.

Ang pangunahing atraksyon ng selebrasyon ay ang pagtatatanghal ng Salakayan, isang palabas kung saan ipinapakita ang pagsasayaw na naghahayag ng tagumpay sa pakikipagtunggali ng mga taga-Miagao laban sa mga Muslim na madalas sumasalakay sa isla at nagnanakaw. Naganap ang nasabing sagupaan noong ika-7 ng Mayo, 1754. Ang makasaysayang pagsalakay ang nagbigay ng pangalang “Salakayan” sa pagdiriwang.

MIAG-AO

Malimit na binibisita ng mga lokal at banyagang turista ang Miag-ao dahil dito matatagpuan ang simbahan na kasama sa World Heritage List Church ng UNESCO. Maliban sa kilalang atraksyon, mayroon ding mga makasaysayan at magagandang lugar sa Miagao na maaaring pagyamanin bilang mga atraksyon para sa mga turista. Ilan sa mga ito ang Lake Danao, Sinuhutan Cave, Rice Terraces, Taytay Boni at Spanish Watch Towers. Isa sa mga layunin ng Salakayan Festival ang maipagmalaki sa mga turista ang iba pang atraksyon sa bayan ng Miag-ao.


Dinagyang Festival



Ang Dinagyang Festival ay isang relihiyoso at kultural na pagdiriwang na ginaganap sa lungsod ng Iloilo tuwing ikatlong linggo ng Enero o pagkatapos ng Sinulog sa Cebu at Ati-Atihan sa Aklan. Ginagawa ito bilang pagdiriwang sa pista ng Santo Niño at para na rin sa pagdating ng mga Malay sa Panay na nagdala ng ita sa lugar. Simula ng ito ay gawing taunang selebrasyon, marami ang nakapansin sa pagdiriwang at nabigyan ito ng National Commission for the Culture and the Arts ng karangalan bilang Festival of Excellent Folk Choreography.
KASAYSAYAN

Naging tradisyon ang Dinagyang matapos ipakilala ni Padre Ambrosio Galindez, isang pari sa parokya, ang debosyon sa Santo Niño noong 1967. Noong 1968, isang replica ng orihinal na imahen ng Santo Niño de Cebu ang dinala sa Iloilo ni Padre Sulpicio Enderez bilang isang regalo sa parokya ng San Jose. Ang mga miyembro ng simbahan, na pinangunahan ng Confradia del Santo Niño de Cebu ng Iloilo, ay nagtulung-tulong upang mabigyan ang imahe ng patron, kaya pumarada ang mga ito mula sa mga kalsada hanggang sa paliparan ng Iloilo. Noong una, ang pagdiriwang ay ginagawa lamang sa loob ng simbahan ngunit nang maglaon ay dinala na ito sa labas. Napagkasunduan ng Confradia na itulad ang selebrasyon sa Ati-Atihan ng Ibajay, Aklan, kung saan ang mga kalahok sa selebrasyon ay nagsasayaw sa daan habang ang kanilang mga katawan ay mayroong uling.

LAYUNIN

Ang pangunahing layunin ng pagdiriwang ng Dinagyang ay upang bigyan ng karangalan ang Santo Niño. Mula sa isang maliit na aktibidad sa simbahan ay naging isang paraan na ito upang isulong ang turismo sa Iloilo.

PAGDIRIWANG

Ang Dinagyang ay nahahati sa tatlong bahagi: ang Ati-Ati Street Dancing, ang Kasadyahan Street Dancing at ang Miss Dinagyang. Sa kasalukuyan, ang malaking bahagi ng pagdiriwang ay kinabibilangan ng mga “tribu,” na kunwari ay mga Ati na nagsasayaw dahil sa kasiyahan. Marami sa mga kalahok na tribo ay mga mag-aaral mula sa iba't ibang mataas na paaralan sa lungsod. Mayroong ilang bagay na kailangan upang makasali sa selebrasyon, tulad ng pagpipinta ng mga kalahok ng kulay kape sa kanilang mga katawan, gayon din ang paggamit ng mga katutubong materyales para sa mga kasuotan. Maliban sa pagsasayaw ay inaabangan din ang pagparada ng imahen ng Santo Niño sa ilog. Mula sa simbahan, ilang mga deboto na may dala ng iba't ibang imahen ng Santo Niño ang sasakay sa bangka at naglalakbay mula sa dulo ng ilog hanggang sa pier kung saan magsisimula ang parada at muling ibabalik sa simbahan. Ang Kasadyahan naman ay isang teatrikal na presentasyon ng pagdating ng imahen sa lugar at pagpapakilala ng Kristiyanismo dito.

KANTA NG DINAGYANG

Kasama ng pagdiriwang ay ang kanta ng Dinagyang na isinasalaysay at kung paano nakuha ng Iloilo ang pangalan nito, kung paano ito ibinenta ng mga katutubo sa mga taga-Borneo, sa pangunguna ng isang Datu Paiburong. Inilalarawan din nito ang mayamang tradisyon, industriya at payapang pamumuhay ng mga Ilonggo.

Sinulog Festival



Sumisiklab ang Lungsod Cebu, Cebu tuwing Enero dahil sa pagdiriwang ng Sinulog. Gaya ng Ati-atihan, ang Sinulog ay tinatampukan ng sagradong imahen ng Santo Niño, at sa himig ng “Pit Señor! Hala, Bira!” ay yayanigin ng tambol, palakpak, at hiyawan ng mga tao ang buong lungsod. Ang Sinulog ay binubuo ng halos isang buwan na paggunita sa mahal na patron ng mga Sebwano, at kabilang dito ang Sinulog Bazaar, ang timpalak Sinulog, ang sining at pangkulturang pagtatanghal, prusisyon, ang parada doon sa Ilog Mactan, ang Reyna ng Sinulog, at ang makukulay na kuwitis na pinasasabog sa himpapawid.

SALITANG SINULOG

Ang salitang Sinulog ay nagmula sa salitang Cebuano na may ibig sabihin na, "tulad ng agos ng tubig." Itinutukoy dito ang sulong-urong na lakdaw padyak ng sayaw ng Sinulog. Ang mga mananayaw ay kadalasang sumasayaw ng pasulong at paurong kasabay sa tiyempo ng tambol.

KASAYSAYAN

Bago pa man dumating ang mga Kastila, ang Sinulog ay sinasayaw na ng mga Filipino sa Cebu sa kanilang pagbibigay-bunyi sa kanilang mga anito. Noong dumating Ferdinand Magellan sa Cebu noong 1521, si Rajah Humabon, kasama ang kaniyang asawa na si Amihan gayun din ang mga 800 mga katutubo ang ninais na mabinyagan bilang Katoliko. Ibinigay ni Magellan ang imahen ni Santo Niño sa asawa ni Rajah Humabon at pinangalanang Juana. Ang pangyayaring ito ay hindi lamang nagpakilala kay Santo Niño sa mga taga-Cebu kundi ito din ay naging isang napakahalagang karanasan: ang representasyon ni Reyna Juana, hawak ang imahen ni Santo Niño na binabasbasan ang kanilang mga tauhan upang mailayo sila sa sakit at masamang espiritu at maging importanteng bahagi ng sayaw ng Sinulog.

Noong dumating si Miguel Lopez de Legazpi at ang kaniyang mga tauhan sa Cebu noong 1565, isa sa mga sundalo ang nakatuklas ng isang kahon na may imahen ni Santo Niño. Ito ay napapaligiran ng bulaklak at mga pigurin ng mga anito. Ayon sa mga mananalaysay, ang mga pagbabago, mula sa pagsayaw ng Sinulog, sa pagsamba sa mga anito hanggang sa pagbubunyi kay Santo Niño ay naganap sa loob ng 44 na taon sa pagitan ng pagdating ni Magellan at Legazpi.

Idineklara ng Augustinian order na ang naturang imahen ay milagroso at itinatag nila ang simbahan kung saan ito nadiskubre. Ipinangalan ito na San Agustin Church hanggang pinalitan ito sa Basilica Minore del Santo Niño.

Ang debosyon sa Santo Niño ay tumagal at sumulong sa kultura ng Pilipinas sa pagdaan ng mga siglo lalo na sa rehiyon ng Visayas. Ang mga pilgrimo ay naglalakbay taon-taon sa Basilica upang makilahok sa prusisyon at sa kapistahan. Noong 1980, ang lokal na pamahalaan ng Cebu ay nangasiwa sa pagsasaayos ng Sinulog festival. Ang direktor noon ng Ministry of Sports and Youth Development na si David S. Odilao, Jr., ay nagtatag ng grupo ng mga estudyante at tinuruan sila ng sayaw ng Sinulog kasabay sa tiyempo ng tambol at pinagsuot ng moro-moro costumes upang makilahok sa pinakaunang parada ng Sinulog. Sa tagumpay ng pinakaunang kapistahan, ang event na ito ay isinagawa kada-taon.
Ang iba pang bersyon ng Sinulog ay makikita sa iba't-ibnag parte ng Cebu. Dahil sa commercialization ng pistang ito, ang Cebu ay ang nangungunang destinasyon ng mga turista tuwing buwan ng Enero sa Pilipinas.

NAKARAANG PAGDIRIWANG

Tampok noong ika-20 ng Enero 2008 ang pinakamalaking parada ng Sinulog sa buong Cebu. Sa pagsisimula pa lamang ng Enero ay hitik na sa makukulay na palawit, istrimer, at tindahan ang lungsod. Ayon kay Ricky Ballesteros, Direktor na Tagapagpaganap ng Sinulog Foundation, 10 mula sa 11 kalahok na bayan ang nagpadala ng pangkat para sa Sinulog. Kabilang dito ang bayan ng Bienvenido, Bohol; ang mga lalawigan ng Misamis Oriental, Sultan Kudarat, at Camarines Sur; ang mga bayan ng Sharif Kabungsuan, Maguindanao; at Upi, Hilagang Cotabato.

Binuksan noong 11 Enero 2008 ang eksibit ng mga retrato na pinamagatang "Through the Years" sa SM Cebu, Ayala Center-Cebu, at sa Mactan-Cebu International Airport. Ang nasabing pagdiriwang ay senyales din ng pagbubukas ng magardong pagdiriwang.