Ang Parola ng Cape Bojeador ay makasaysayang pook na matatagpuan sa bayan ng Burgos, Ilocos Norte, at naging bahagi ng buhay-pagdaragat ng iba't ibang henerasyon ng mga Filipino. Nakatuntong sa ibabaw ng burol Vigia de Nagparitan ang Parola ng Cape Bojeador, na pinakamataas na parola sa buong Filipinas. Matatanaw ang Dagat Timog-Tsina mula sa burol. Ito ay may layong 35 kilometro mula sa hilaga ng Lungsod Laoag.
Ang Parola ng Cape Bojeador ay ginawa noong 1892 at gumagagana pa hanggang sa kasalukuyan. Naglilingkod ito sa mga dumaraang barko at bangkang de-motor mula sa hilagang bahagi ng Dagat Timog-Tsina. Umaasiste rin ito sa mga barkong patungo sa pantalan ng Salomague, na may layong 87 kilomtero mula sa parola at sa Currimao, na 60 kilomtero ang layo. Ang ilaw ay kumikitap kada isang minuto.
Natapos noong 30 Marso 1892, ang parola ay idinisenyo at sinimulang gawin ni Engr. Magin Pers y Pers, ngunit muling binalangkas at tinapos ni Engr. Gullermo Brockman. Gawa sa lokal na tisa at hugis-oktagono ang tore na may dalawang metro ang panloob na dimensiyon; at tatlo't kalahating metro naman ang panlabas na dimensiyon.
Ang Parola ng Cape Bojeador ay may nakaiinggit na posisyon sa lahat ng parolang may hibong Espanyol at Filipino. Hindi lamang nito ginagabayan at tinatanglawan ang baybaying-dagat, natamo rin nito ang pagkilala bilang parolang pinakamadalas bisitahin ng mga turista sa buong bansa.
No comments:
Post a Comment