Ang Biniray Festival ay isa sa mga tampok na pagdiriwang sa Pilipinas. Ito ay ipinagdiriwang ng mga taga-Romblon tuwing ikalawang linggo ng Enero ng taon bilang pagpupugay sa Señor Santo Niño na kahalintulad sa pagdiriwang ng Sinulog Festival ng Cebu. Sa isang banda, ito ay nagpapakita ng taimtim na pananampalataya ng mga taga-Romblon sa relihiyong Katoliko.
KASAYSAYAN
Ang pagdiriwang ng Biniray Festival ay nag-ugat noong dumating ang mga Kastila sa Pilipinas 400 taon na ang nakakaraan. Ayon sa kasaysayan, isang paring Agustino ang nag-komisyon na gumawa ng replica ng imahe ng Santo Niño at kung saan ang barko na nagdadala sa imahe papuntang Espanya ay huminto sandali sa bayan ng Romblon. Subalit nang magtangkang umalis ang barko, isang malakas na ulan at hangin ang pumigil sa mga ito. Ito'y pinaniniwalaan ng mga lokal na mamamayan bilang kagustuhan ng Diyos. Pagkatapos ng naturang pangyayari, dinala ang imahe sa simbahan ng Romblon at inalayan ng misa. Sa ikalawang pagkakakataon, noong may nagtangkang ialis ang imahe ay milagrosong hindi na ito maigalaw ng mga Kastila.
Sa nakaraang apat na siglo, ang imahe ng Señor Santo Niño ay inilagak sa Katedral ni San Jose ngunit noong 1991 ito ay nanakaw at hindi pa natatagpuan.
PAGDIRIWANG
Lubhang makulay at masaya ang pagdiriwang ng Biniray Festival kung saan tampok ang ibat-ibang presentasyon ng mga sayaw at awit. Isa sa mga inaabangan sa pagdiriwang ito ay ang tinatawag na flotilla of vessels na gumugunita sa pagtatangka ng mga Kastila na itakas ang imahe ng Santo Niño mula sa bayan ng Romblon. Samantala, ang imahe ni Señor Santo Niño ay ipinaparada sa buong bayan at nakasakay sa makukulay at puno ng mga bulaklak habang kasama ng mga taong may pinta ang katawan. Pitong ulit na ginagawa ang parada bilang pag-alala sa pitong beses na tinangkang itakas ng mga Espanyol ang imahe.
No comments:
Post a Comment