Ang Salakayan Festival ay ipinagdiriwang tuwing unang linggo ng Pebrero sa bayan ng Miag-ao sa lalawigan ng Iloilo. Isa itong selebrasyon ng kasaysayan na nagbibigay ng oportunidad para sa mga Miagawanon at mga dumarayong bisita na makapagsaya at magkasama sa isang makulay na kapistahan.
PAGDIRIWANG
Bagaman ang inspirasyon sa selebrasyon ay nagmula sa ibang mga kapistahan sa rehiyon tulad ng Ati-atihan ng Kalibo at Dinagyang ng Iloilo, mayroong sariling tema at mga aktibidad ang Salakayan. Kabilang dito ang isang linggong walang humpay na kasiyahan na kinatatampukan ng food fair, agro-industrial at trade fair, fluvial parade at mga kumpetisyon sa palakasan, pagpapamalas ng mga litrato at antigo, mga paligsahan sa literatura at musika, paligsahan ng mga higante, fashion shows, presentasyon ng salakayan, at ang koronasyon sa Reyna ng Miag-ao.
Ang pangunahing atraksyon ng selebrasyon ay ang pagtatatanghal ng Salakayan, isang palabas kung saan ipinapakita ang pagsasayaw na naghahayag ng tagumpay sa pakikipagtunggali ng mga taga-Miagao laban sa mga Muslim na madalas sumasalakay sa isla at nagnanakaw. Naganap ang nasabing sagupaan noong ika-7 ng Mayo, 1754. Ang makasaysayang pagsalakay ang nagbigay ng pangalang “Salakayan” sa pagdiriwang.
MIAG-AO
Malimit na binibisita ng mga lokal at banyagang turista ang Miag-ao dahil dito matatagpuan ang simbahan na kasama sa World Heritage List Church ng UNESCO. Maliban sa kilalang atraksyon, mayroon ding mga makasaysayan at magagandang lugar sa Miagao na maaaring pagyamanin bilang mga atraksyon para sa mga turista. Ilan sa mga ito ang Lake Danao, Sinuhutan Cave, Rice Terraces, Taytay Boni at Spanish Watch Towers. Isa sa mga layunin ng Salakayan Festival ang maipagmalaki sa mga turista ang iba pang atraksyon sa bayan ng Miag-ao.
No comments:
Post a Comment