Ang Coconut Festival ay ipinagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Enero sa lungsod ng San Pablo sa Laguna. Itinuturing ang niyog bilang puno na maaaring magamit mula sa dahon hanggang sa ugat. Ang lungsod ng San Pablo naman ang mayroong pinakamalaking taniman ng puno ng niyog sa buong Pilipinas.
PAGDIRIWANG
Ang pagdiriwang ng Coconut Festival ay nakasentro sa maraming gamit ng niyog at ang malaking kontribusyon nito sa industriya ng lungsod. Kabilang sa pagdiriwang ang Mardi Gras o ang streetdancing kung saan kalahok ang iba't ibang eskwelahan sa lungsod. Mayroon din na eksibit na nagpapamalas ng iba't ibang produktong gawa sa niyog. Sinasabing ang coconut festival ay hindi lamang isang pagdiriwang ng kultura ngunit isa ring aktibidad para sa ikaaangat ng ekonomiya. Layunin din ng pagdiriwang na isulong ang kaalaman ng mga tao sa kalikasan at gayon din sa pagpapahalaga sa mga lokal na produkto. Ang nasabing pagdiriwang ay isa ring proklamasyon ng misyon ng lungsod patungo sa pag-unlad.
Ginanap ang kauna-unahang Coconut Festival sa lungsod noong Enero 1996, sa pangunguna ng alkalde na si Vicente Amante. Naging tradisyon na rin na isama bilang bahagi ng pagdiriwang ang Mardi Gras bilang pag-alaala sa pagkakatatag ng parokya ni San Pablo, noong 13 Enero 1596. Maliban dito, mayroon ding kumpetisyon sa pinakamabilis na makakapagbalat ng niyog.
Ilan sa mga produktong itinatampok sa eksibit ay ang coconut juice, lambanog, at coconut oil.
MGA TAMPOK
Ilan sa tampok sa pagdiriwang ay ang mga sumusunod:
· Beer plaza – tampok ang maraming maliliit na stalls at mga restaurant habang may mga presentasyon ang iba't-ibang banda.
· Cultural extravaganza - tampok ang kultural na presentasyon ng iba-ibang paaralan, barangay at samahan.
· Coronation ball ng Mutya ng San Pablo – tampok ang dinner dance at fashion show ng mga kandidata habang suot ang mga gown na likha ng mga lokal na mananahi
· Food fair at exhibits – tampok ang iba't-ibang pagkaing niluto sa gata ng niyog.
· Mardi gras – ang tawag sa street dancing na kinabibilangan ng iba't ibang mananayaw suot ang mga costume na yari sa mga materyales na gawa sa niyog.
· Parade at floats – tampok dito ang magaganda at makukulay na disenyo na yari sa mga materyales ng galing sa niyog.
· Fireworks – ginaganap sa pagtatapos ng pagdiriwang.
No comments:
Post a Comment