Ang Pista ng Sibug-Sibug ay isang pagdiriwang na ginaganap sa lalawigan ng Sibugay tuwing ika-26 ng Pebrero. Ginagawa ito bilang bahagi ng pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan. Pangunahing atraksyon ng nasabing selebrasyon ang pagsasayaw sa kalsada na may temang etniko, kabilang na dito ang mga ritwal na nagpapakita ng magandang ani, kasal at mga nakapagpapagaling na ritwal.
PAGDIRIWANG
Bahagi ng pagdiriwang ang pagpapakilala sa pangunahing produkto ng lalawigan, ang talaba. Kilala ang Sibugay bilang pinagkukunan pinakamalalaking talaba na maaaring makuha sa bansa. Sa loob ng dalawang linggong selebrasyong ito, ginaganap sa bayan ng Ipil ang pinaka-aabangang bahagi ng pagdiriwang, ang Talaba Longest Grill. Dahil dito, naisusulong ng mga taga-Sibugay ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan. Dahil na rin sa pagdiriwang, itinanghal ang Zamboanga Sibugay na mayroong World's Longest Talaba Grill at kinilala ang lalawigan bilang Talaba Capital ng Pilipinas.
Kabilang din sa pagdiriwang ang ilang lokal na atraksyon at tradisyon na makikita sa isang Western Subanen cultural show. Magpapamalas ang mga Subanen ng mga ritwal para sa pakikipagdigma, kasal at panganganak. Ang mga Subanen ay ang mga taong unang nanirahan sa Zamboanga.
No comments:
Post a Comment