Sunday, May 22, 2011

Tinagba Festival




Ang Tinagba Festival ay isang taunang pagdiriwang sa lungsod ng Iriga sa Bicol, na ginaganap tuwing ika-5 hanggang ika-11 ng Pebrero.

PAGDIRIWANG

Ang Tinagba ay isang pagdiriwang sa Bicol tungkol sa pag-aalay ng unang ani na kinatatampukan ng mahabang hanay ng mga karosang de-motor o hinihila ng mga kalabaw. Bahagi rin ng pagdiriwang ang mardi gras at ang mga tradisyunal na kasuotan ng mga kalahok sa sayaw at pagpaparada sa lungsod. Ang pangunahing atraksyon ng nasabing pagdiriwang ay ang kumpetisyon sa street parade o pagsasayaw sa kalsada, na isinasabay sa kapistahan ng Ina ng Lourdes. Ang pinakahuling pagdiriwang ay nagsisilbing daan sa pagsulong ng lungsod bilang isang Science and Technology Park. Ilan sa mga gawain na inilunsad noong pagdiriwang ay ang acrobatics, animalandia, paligsahan sa kaalaman, pagpapalabas ng pelikula, pagpapamalas ng galing sa pagsasayaw ng techno, wall climbing at science exhibit. Ilan din sa mga pangunahing programa ng selebrasyon ay ang taunang paligsahan sa pagiging Miss Iraga, Miss Rinconada at Miss Tourism, gayon din ang pagdiriwang ng Charter Foundation Anniversary.

TURISMO

Isa sa mga layunin ng pagdiriwang ay ang isulong ang turismo sa lungsod ng Iriga. Isa ang Iriga sa progresibong lungsod sa rehiyon ng Bicol kung saan matatagpuan ang iba't ibang magagandang tanawin, ligtas na komunidad at mainit na pagtanggap ng mga mababait at malikhaing mga mamamayan. Kilala rin ang lungsod bilang City of Crystal Clear Springs dahil sa mahigit tatlumpung natural na bukal ng tubig na matatagpuan dito. Kilala rin ang lugar dahil sa Mt. Iriga na nagpapamalas ng magandang tanawin ng basin area ng ilog ng Bicol.

No comments:

Post a Comment