Sunday, May 22, 2011

Dinagyang Festival



Ang Dinagyang Festival ay isang relihiyoso at kultural na pagdiriwang na ginaganap sa lungsod ng Iloilo tuwing ikatlong linggo ng Enero o pagkatapos ng Sinulog sa Cebu at Ati-Atihan sa Aklan. Ginagawa ito bilang pagdiriwang sa pista ng Santo Niño at para na rin sa pagdating ng mga Malay sa Panay na nagdala ng ita sa lugar. Simula ng ito ay gawing taunang selebrasyon, marami ang nakapansin sa pagdiriwang at nabigyan ito ng National Commission for the Culture and the Arts ng karangalan bilang Festival of Excellent Folk Choreography.
KASAYSAYAN

Naging tradisyon ang Dinagyang matapos ipakilala ni Padre Ambrosio Galindez, isang pari sa parokya, ang debosyon sa Santo Niño noong 1967. Noong 1968, isang replica ng orihinal na imahen ng Santo Niño de Cebu ang dinala sa Iloilo ni Padre Sulpicio Enderez bilang isang regalo sa parokya ng San Jose. Ang mga miyembro ng simbahan, na pinangunahan ng Confradia del Santo Niño de Cebu ng Iloilo, ay nagtulung-tulong upang mabigyan ang imahe ng patron, kaya pumarada ang mga ito mula sa mga kalsada hanggang sa paliparan ng Iloilo. Noong una, ang pagdiriwang ay ginagawa lamang sa loob ng simbahan ngunit nang maglaon ay dinala na ito sa labas. Napagkasunduan ng Confradia na itulad ang selebrasyon sa Ati-Atihan ng Ibajay, Aklan, kung saan ang mga kalahok sa selebrasyon ay nagsasayaw sa daan habang ang kanilang mga katawan ay mayroong uling.

LAYUNIN

Ang pangunahing layunin ng pagdiriwang ng Dinagyang ay upang bigyan ng karangalan ang Santo Niño. Mula sa isang maliit na aktibidad sa simbahan ay naging isang paraan na ito upang isulong ang turismo sa Iloilo.

PAGDIRIWANG

Ang Dinagyang ay nahahati sa tatlong bahagi: ang Ati-Ati Street Dancing, ang Kasadyahan Street Dancing at ang Miss Dinagyang. Sa kasalukuyan, ang malaking bahagi ng pagdiriwang ay kinabibilangan ng mga “tribu,” na kunwari ay mga Ati na nagsasayaw dahil sa kasiyahan. Marami sa mga kalahok na tribo ay mga mag-aaral mula sa iba't ibang mataas na paaralan sa lungsod. Mayroong ilang bagay na kailangan upang makasali sa selebrasyon, tulad ng pagpipinta ng mga kalahok ng kulay kape sa kanilang mga katawan, gayon din ang paggamit ng mga katutubong materyales para sa mga kasuotan. Maliban sa pagsasayaw ay inaabangan din ang pagparada ng imahen ng Santo Niño sa ilog. Mula sa simbahan, ilang mga deboto na may dala ng iba't ibang imahen ng Santo Niño ang sasakay sa bangka at naglalakbay mula sa dulo ng ilog hanggang sa pier kung saan magsisimula ang parada at muling ibabalik sa simbahan. Ang Kasadyahan naman ay isang teatrikal na presentasyon ng pagdating ng imahen sa lugar at pagpapakilala ng Kristiyanismo dito.

KANTA NG DINAGYANG

Kasama ng pagdiriwang ay ang kanta ng Dinagyang na isinasalaysay at kung paano nakuha ng Iloilo ang pangalan nito, kung paano ito ibinenta ng mga katutubo sa mga taga-Borneo, sa pangunguna ng isang Datu Paiburong. Inilalarawan din nito ang mayamang tradisyon, industriya at payapang pamumuhay ng mga Ilonggo.

1 comment:

  1. sakit sa mata ng background ng webpage nyo.. suggestion: pakipalitan ng color ng font thank you

    ReplyDelete